Sunday, August 12, 2012

Malayang Lumaban

Tunay ngang napaka palad na malaman na tayong mga mananampalataya ni Kristo ay naligtas mula sa nakakakilabot na hatol ng Diyos sa hinahaharap. Mapalad na malaman na tayo ay naligtas, hindi sa pamamagitan ng ating  mga sariling gawa, kundi sa pamamagitan lamang ng biyaya ng Diyos. Hindi natin ito pinaghirapan, ni hindi nga natin hinanap ang Diyos, at sa halip ay patuloy nga natin Siyang nilayuan at patuloy na namuhay para sa ating mga sarili na minamahal ang kasalanan. Sa katunayan nga'y kung hindi dahil sa biyaya ng Diyos, ay hindi rin tayo makakasampalataya kay Kristo ngayon at hindi rin natin malalasap ang pagpapalang tawagin tayong "Anak" ng makapangyarihang Ama natin sa langit.

Ngunit kailangan din nating mauunawaan na hindi dito natatapos ang lahat. Huwag nating isipin na ngayong tayo ay Kristyano na ay maari na lamang tayong humiga sa preskong duyan sa ating bakuran habang hinihintay ang muling pagbabalik ni Kristo para sa ating huli at maluwalhating pagtutubos. Huwag nawa nating dalahin sa ating mga isipan na wala na tayong dapat gawin dahil tayo ay malaya na. Huwag nating kalimutan na ang Panginoong Hesus mismo ang nagsabi na kung nais nating sumunod sa Kanya ay dapat nating itatwa ang ating sarili, pasanin ang ating krus, at sumunod sa Kanya.

Isa sa mga hamon ng Diyos sa atin ay ang araw-araw na paglaban natin sa kasalanan. Huwag nating isipin na ang kalaban ay nariyan lamang sa tabi-tabi at naghihintay lamang ng pagkakataon upang tayo ay sagupain, dahil ang totoo, ang kalaban natin ay nasa loob natin. Kabisadong kabisado niya ang ating mga galaw, ang ating mga motibo, at ang ating mga iniisp. At madalas tayong nagagapi dahil ignorante tayo sa kanyang mga plano. Maaring naiisip mo ngayon kung bakit may mga kasalanan kang paulit ulit mong nagagawa. Ito ay maaring dahil sa ignorante ka na may araw-araw na digmaan sa iyong katauhan.

Ang hamong ito ay hindi biro. Hindi ito matatagumpayanan kung hihiga ka nalang at walang gagawin. Wala din namang saysay kung tatakbuhan mo ito at babalewalain. Dahil kung saan ka man naroroon, ikulong mo man ang sarili sa kweba sa habang panahon, ang kalaban mo ay nasa loob mo at araw-araw kang sasagupain. Ang solusyon lamang ay ang labanan ito at patayin. Isaisp nating kung gaano kabigat itong responsibilidad na ito. Kung ito ay babalewalain, sumusuway tayo sa utos ng Diyos na tayo ay magpakabanal dahil Siya ay banal.

Ngunit sa pagyakap natin sa hamong ito, huwag nating isipin na tayo ay lumalaban ng magisa. Dahil ang Diyos na nagligtas sa atin sa pamamagitan ng biyaya, ay siya din namang tapat na sasama sa atin at magpapalakas sa atin sa pamamagitan din ng iisang biyaya na nagligtas sa atin. Ang isa sa mga bunga ng ating pagiging mananampalataya ay ang lumalagong poot natin laban sa kasalanan. Kung tayo ay patuloy sa pagkakasala, maaring hindi talaga tayo nabiyayaan ng Espiritung Banal. Dahil ang mga tao lamang na may pagmamahal sa kabanalan, ang siya lamang tinawag sa kabanalan ng banal na Diyos.

Mamulat na sa katotohanang may araw-araw na sagupaan na nangyayari sa ating mga buhay. Tinatawag tayo ng Diyos na isuot na ang ating mga baluting pang-digmaan, kunin ang mga sandata sa pakikipaglaban, at tuluyan nang iwan ang panaginip na tayo ay dapat na namamahinga. Ang tunay na kapahingahaan ay na kay Kristo, ngunit si Kristo ay nasa laot ng malalakas na alon. 

Handa ka na bang lumapit sa Kanya at tumalon mula sa iyong mga guni-guni? ...

Kung gayon ay makakasiguro ka naman sa pangako Niyang hindi ka Niya iiwan at pababayaan sa labanang ito... Tayo ay malaya na... Malayang lumaban sa kasalanan...

No comments:

Post a Comment