Sunday, November 4, 2012

Pagiging Kontento Sa Panginoon

Sa ating panahon, nakadepende tayo sa electronic gadgets katulad ng TV, ref, mp3, computers, cellphone, atbp. Kung mawawala o masisira ang isa sa mga ito, parang hindi kumpleto ang ating buhay.

Malaki ang naitutulong sa atin ng mga materyal na bagay, at malaki rin ang pang-akit nito kahit sa mga mananampalataya. Kaya't binibigyan tayo ng pagsubok ng Panginoon upang huwag tayong madala sa mapanlinlang na gapos nito. Kapag dumating ang mga pagsubok, dito natin makikita na hindi makakapagbigay ng tunay na kagalingan at kaligayahan ang mga materyal na bagay. Napapatunayan ito ng isang Kristiano habang siya ay lumalago sa pananampalataya. Habang siya ay napapalapit sa Panginoon, siya rin naman ay lumalayo sa mga bagay dito sa sanlibutan. Nagiging malinaw sa kanya na sa Panginoon lamang ang tunay na kaligayahan at kapayapaan. Hindi nakapagbibigay na malalim na katuwaan ang rangya at kayamanan dito sa lupa.

Sa pamamagitan ng pagsubok, napatunayan ni Moses na walang halaga ang layaw ng laman (Hebreo 11:24-26). Lumaki siya ng 40 taon sa karangyaan ng palasyo bilang isang prinsipe. Subalit iniwan niya ang kapangyarihan at karangalan upang matikman ang paghihirap kasama ng kapwa Israelita sa Ehipto. Natuto si Moses na magtiwala sa Panginoon sa mahabang panahong pangunguna niya sa bayan ng Israel upang mailabas sila sa Ehipto (Hereo 11:27).

Maaring tawagin ng Panginoon ang ating pansin sa ibang paraan. Ito ay upang matutunan natin ang importanteng leksyon, na magtiwala sa Kanya. Nasa Kanya ang hindi masukat na espiritwal na kayamanan. Huwag tayong mahalina sa kumukupas na kayamanan dito sa lupa.


Mula sa aklat na "Strength for Today" ni John MacArthur.

Friday, August 24, 2012

Alam Mo Man O Hindi

Gustuhin man natin o hindi, tayo ay nagtatanim sa buhay na ito. Ang tanong ay kung sa laman ba o sa Espiritu. Alam man natin o hindi natin pansin, tayo ay nagtatanim at balang araw, sa oras na itinakda ng Panginoon ito ay ating aanihin.

Galing ako sa isang lamay kahapon at nakining sa service na kanilang isinagawa. Kung tutuusin ay isang malungkot na pangyayari ang kamatayan, ngunit mas nakakalungkot na kung bago pa dumating ang puntong ito sa ating mga buhay ay nasayang natin ang ating mga oras sa mga bagay na wala namang katuturan. At mas nakakapangilabot kung tayo ay umabot sa puntong ito na hindi man lang natin nabigay ang ating mga buhay at ang ating mga oras para sa Panginoon.

Kristyano ka man o hindi, ang paalalang ito ay para sa iyo. Kung ibinibilang mo ang iyong sarili bilang isang taga-sunod ni Hesus, dapat lamang na alam mo ang bagay na ito. Ito ay isang utos sa mga mananampalataya sa Salita ng Diyos na dapat tayo ay namumuhay sa Espiritu at hindi sa laman. Sa tuwing gigising ka sa isang umaga, itong bagay na ito ay dapat mong isaisip. Maaaring ikaw ay handa para sa isang araw ng pakikipagsapalaran laban sa kasalanan o maaari din namang wala kang pakielam, pero ang katotohanan ay ikaw ay nagtatanim at balang araw ito ay iyong aanihin.

Magising ka sa katotohanan na dumadaloy ang oras at panahon. At isipin mo kung gaano karaming oras ang nasasayang sa mga bagay na ginagawa mo na wala man lang magiging katuturan kung ihahambing sa walang hanggan. Hindi mo mapipigilan ang oras. At gustuhin mo man o hindi, ikaw ay nagtatanim, ang tanong nga lang ay kung sa Espiritu ba ito o sa laman. Alalahanin natin si Lazaro at ang lalaking mayaman ay napagkalooban ng parehong haba ng buhay. Ngunit magkaiba ang kanilang naging paraan upang mabuhay sa mundong ito. At alam na natin ang sunod pang mga pangyayari sa kwentong ito...

Sunday, August 12, 2012

Malayang Lumaban

Tunay ngang napaka palad na malaman na tayong mga mananampalataya ni Kristo ay naligtas mula sa nakakakilabot na hatol ng Diyos sa hinahaharap. Mapalad na malaman na tayo ay naligtas, hindi sa pamamagitan ng ating  mga sariling gawa, kundi sa pamamagitan lamang ng biyaya ng Diyos. Hindi natin ito pinaghirapan, ni hindi nga natin hinanap ang Diyos, at sa halip ay patuloy nga natin Siyang nilayuan at patuloy na namuhay para sa ating mga sarili na minamahal ang kasalanan. Sa katunayan nga'y kung hindi dahil sa biyaya ng Diyos, ay hindi rin tayo makakasampalataya kay Kristo ngayon at hindi rin natin malalasap ang pagpapalang tawagin tayong "Anak" ng makapangyarihang Ama natin sa langit.

Ngunit kailangan din nating mauunawaan na hindi dito natatapos ang lahat. Huwag nating isipin na ngayong tayo ay Kristyano na ay maari na lamang tayong humiga sa preskong duyan sa ating bakuran habang hinihintay ang muling pagbabalik ni Kristo para sa ating huli at maluwalhating pagtutubos. Huwag nawa nating dalahin sa ating mga isipan na wala na tayong dapat gawin dahil tayo ay malaya na. Huwag nating kalimutan na ang Panginoong Hesus mismo ang nagsabi na kung nais nating sumunod sa Kanya ay dapat nating itatwa ang ating sarili, pasanin ang ating krus, at sumunod sa Kanya.

Isa sa mga hamon ng Diyos sa atin ay ang araw-araw na paglaban natin sa kasalanan. Huwag nating isipin na ang kalaban ay nariyan lamang sa tabi-tabi at naghihintay lamang ng pagkakataon upang tayo ay sagupain, dahil ang totoo, ang kalaban natin ay nasa loob natin. Kabisadong kabisado niya ang ating mga galaw, ang ating mga motibo, at ang ating mga iniisp. At madalas tayong nagagapi dahil ignorante tayo sa kanyang mga plano. Maaring naiisip mo ngayon kung bakit may mga kasalanan kang paulit ulit mong nagagawa. Ito ay maaring dahil sa ignorante ka na may araw-araw na digmaan sa iyong katauhan.

Ang hamong ito ay hindi biro. Hindi ito matatagumpayanan kung hihiga ka nalang at walang gagawin. Wala din namang saysay kung tatakbuhan mo ito at babalewalain. Dahil kung saan ka man naroroon, ikulong mo man ang sarili sa kweba sa habang panahon, ang kalaban mo ay nasa loob mo at araw-araw kang sasagupain. Ang solusyon lamang ay ang labanan ito at patayin. Isaisp nating kung gaano kabigat itong responsibilidad na ito. Kung ito ay babalewalain, sumusuway tayo sa utos ng Diyos na tayo ay magpakabanal dahil Siya ay banal.

Ngunit sa pagyakap natin sa hamong ito, huwag nating isipin na tayo ay lumalaban ng magisa. Dahil ang Diyos na nagligtas sa atin sa pamamagitan ng biyaya, ay siya din namang tapat na sasama sa atin at magpapalakas sa atin sa pamamagitan din ng iisang biyaya na nagligtas sa atin. Ang isa sa mga bunga ng ating pagiging mananampalataya ay ang lumalagong poot natin laban sa kasalanan. Kung tayo ay patuloy sa pagkakasala, maaring hindi talaga tayo nabiyayaan ng Espiritung Banal. Dahil ang mga tao lamang na may pagmamahal sa kabanalan, ang siya lamang tinawag sa kabanalan ng banal na Diyos.

Mamulat na sa katotohanang may araw-araw na sagupaan na nangyayari sa ating mga buhay. Tinatawag tayo ng Diyos na isuot na ang ating mga baluting pang-digmaan, kunin ang mga sandata sa pakikipaglaban, at tuluyan nang iwan ang panaginip na tayo ay dapat na namamahinga. Ang tunay na kapahingahaan ay na kay Kristo, ngunit si Kristo ay nasa laot ng malalakas na alon. 

Handa ka na bang lumapit sa Kanya at tumalon mula sa iyong mga guni-guni? ...

Kung gayon ay makakasiguro ka naman sa pangako Niyang hindi ka Niya iiwan at pababayaan sa labanang ito... Tayo ay malaya na... Malayang lumaban sa kasalanan...

Thursday, August 9, 2012

Ang Pagtanggi sa Sarili

May nakikitang bunga sa sinumang nakikipag-isa kay Kristo. Ito ay ang pagtanggi sa sarili. Ang pagtanggi sa sarili ay isang sakripisyo na kailangan sa buhay Kristyano. Dapat nating maunawaan na ang ating buhay ay hindi sa atin. Tayo ay nabuhay at namatay na kay Kristo at dapat na ang Kanyang Salita ang nangunguna sa atin. Ang Diyos ang dapat na sentro ng ating buhay. Natural na ipilit ng sarili na siya ang masunod, kaya nga't ang ating mismong sarili ang pinakamalakas at pinaka-makapangyarihan nating kaaway.

Kasama ng pagtanggi sa sarili ay ang paghahangad ng mga bagay na patungkol sa Diyos. Hindi ito nagbibigay puwang sa kayabangan, kamunduhan, at kalaswaan. Ito ay kabaligtaran ng pagmamahal sa sarili. Ang pangkalahatang direksyon ng buhay ay tungo sa mga bagay na ikaluluwalhati ng Diyos.

Nangangahulugan ito na ang lahat ng ating pag-aari, talento man, o materyal na kayamanan ay dapat nakalaan sa Diyos. Handa tayo na mahalin at pahalagahan ang interes ng iba kaysa sa sarili dahil alam natin na nasa kanila rin ang imahen ng ating Diyos na ating pinaglilingkuran. Kung kaya't ang ating pagtingin sa kanila ay taos-puso, at kung hindi man masapatan, ito ay dahil sa kakulangan sa pisikal at materyal na pangangailangan.

Ang mananampalataya ay hinihimok na tumanggi sa sarili. Dito ay may pangako ng maluwalhating gantimpala. Ang mga pangakong ito ay dapat magsilbing motibasyon na harapin ang mga balakid at kahirapan na kasama ng pagtanggi sa sarili.

Panghuli, ang pagtanggi sa sarili ay nagdudulot ng tunay na kasiyahan. Ginawa tayo upang mahalin ang Diyos higit sa lahat at ang ating kapwa kaysa sa sarili. Ang paglalapat ng katotohanang ito ang siyang nagdudulot ng saya sa kaluluwa. Ang sabi ni John Calvin:

"Kung walang pagtanggi sa sarili, maari tayong magkamit ng lahat ng bagay, ngunit wala kahit konting patak ng tunay na kaligayahan."

Inuubos ng marami ang buhay, salapi, at panahon sa paghahanap ng hindi masumpungang kaligayahan. Mapalad tayo dahil ipinakita sa atin ang susi ng tunay na kaligayahan... Ang pagtanggi sa sarili.


Mula sa aklat na "Overcoming the World" ni Joel Beeke.